Peoples Court minamatyagan

Minamatyagan ng mga awtoridad ang proseso ng imbestigasyong ginagawa ng Peoples Court na umano’y nagsasagawa ng paglilitis sa pagkakasala ni Pangulong Arroyo.

Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, kahit mayroong kalayaan ang oposisyon na gawin ang kanilang ‘paglilitis’ ay dapat isaalang-alang din ang kalagayang pangseguridad ng bansa kaugnay sa aktibidad ng grupo.

Sinabi ni Sec. Ermita, puwedeng sampahan ng kasong sedisyon ang mga nangunguna sa Peoples Court kung mapapatunayang ang layon ng kanilang aktibidad ay para lumikha ng destabilisasyon.

Sinang-ayunan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang pananaw ni Ermita na puwedeng sampahan ng kasong inciting to sedition ang mga promotor ng Peoples Court.

Wika pa ni Ermita, nakapaloob sa Revised Penal Code na puwedeng sampahan ng inciting to sedition ang nang-uudyok sa sinuman sa pamamagitan ng talumpati, proklamasyon, panulat at iba pang sagisag na humihikayat na ibagsak ang gobyerno.

Ayon din kay Sen. Santiago, puwede ding sampahan ng contempt of court ang mga namumuno sa ginagawang aktibidad sa Peoples Court.

Nauna rito, sinabi ni Press Secretary at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na hindi kinikilala ng Palasyo ang legalidad ng Peoples Court.

Samantala, muling nagsagupa kahapon ang mga pro-GMA at anti-GMA sa loob ng UP campus matapos magsagawa ng protesta ang Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD) dahil sa ginawang pananakit ng anti-GMA sa kanilang kasamahan. (Lilia Tolentino/Rudy Andal/Angie dela Cruz)

Show comments