Ayon kay Sen. Pimentel, nakadeposito sa PNB ang P570-M perang pinaniniwalaang nakaw na yaman ng dating Pangulo at ibinigay sa pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) at inilipat naman sa Department of Agriculture (DA) bilang dagdag na budget sa Ginintuang Masagang Ani (GMA) program.
Ang GMA program ng DA na naglalayong bumili ng karagdagang fertilizer at insecticide para sa mga magsasaka sa bansa ay binigyan ng Department of Budget ng alokasyon na P728 milyon.
Ani Pimentel, hindi ginamit ng DA ang nasabing P728 milyon para sa mga magsasaka kundi ay ipinandagdag sa campaign kitty ng kampo ni Pangulong Arroyo. Isang source umano ang nagsabi sa kanya na nailipat ang P570 milyon sa DA sa pamamagitan ng pagpirma ng mga memorandum of agreement sa pagitan ng dalawang ahensiya.
Ipapatawag ng Senado si dating DA Sec. Cito Lorenzo at dating kalihim ng DAR na si Rene Villa upang magpaliwanag ukol sa naturang rebelasyon ng kanyang source. (Rudy Andal)