Ayon kay PCG Commandant Rear Admiral Arthur Gosingan, pitong layer ng security ang dadaanan ng isang pasahero bago makaakyat at makasakay ng barko upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito patungo sa kanilang probinsiya.
Bukod pa ang sariling implementasyon ng paghihigpit ng seguridad ng mga may-ari ng barko.
Sinabi ni Gosingan, nagdagdag na rin sila ng K-9 dogs sa ibat ibang pantalan sa Maynila na siyang aamoy sa dalang bagahe ng mga pasahero upang matiyak na walang makapagsasakay sa barko ng mga ipinagbabawal na "deadly weapons" tulad ng patalim, baril, bala, fire crackers at iba pang uri ng pampasabog.
Mahigpit ding babantayan ng mga "sea marshal" ang mga over-loaded na barko.
Bunsod nito ay pinagpayuhan ni Gosingan ang lahat ng pasahero na maglaan ng dalawa hanggang tatlong oras sa pagtungo nila sa mga terminal upang bigyan daan ang ipinapatupad na mahigit na seguridad.
"Para rin naman sa kanila (pasahero) ang paghihigpit naming ito kaya hinihiling namin ang kanilang kooperasyon," sabi ni Gosingan. (Mer Layson)