Sa inihaing petition for certiorari with prohibition and Temporary Restraining Order (TRO) nina Reps. Satur Ocampo, Teddy Casino, Liza Maza, Crispin Beltran, Rafael Mariano at Joel Virador sinabi ng mga ito na labag sa saligang batas ang kautusan ng Pangulo at hiniling na pagpaliwanagin ng Korte Suprema si Executive Sec. Eduardo Ermita kasunod ng EO 464.
Labag din umano sa Konstitusyon ang EO 464 dahil nakasaad na hindi kailangan ang permiso ng Pangulo ng bansa kapag ipinatawag ng Kongreso ang mga opisyal o kawani nito para dumalo sa hearing.
Partikular na hiniling ng mga militanteng kongresista sa SC na ipawalang bisa ang nasabing kautusan, pagbawalan ang Pangulo na magpatupad ng kaparusahan sa mga opisyal na lalabag sa EO 464 at magpalabas ng TRO sa pagpapatupad nito.
Sa petisyon naman ng Alternative Law Groups Inc. (ALG), inakusahan ng mga ito ang Pangulo na nagtatago sa isang executive privilege upang tapakan ang sagradong kalayaan ng pagbibigay impormasyon, kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag ng mga ito.
Samantala hindi naman nababahala si Justice Sec. Raul Gonzales sa pag-akyat sa Korte Suprema ng naturang grupo, dahil inaasahan na umano ito ng administrasyon.
Kung anuman umano ang maging hatol ng Kataas-taasang Hukuman ay handa itong respetuhin ng gobyerno subalit sa kasalukuyan ay buo ang kanilang paninindigan na legal ang EO 464 at tuloy ang implementasyon nito. (Gemma Amargo-Garcia)