‘At Ur Serbis, Pulis Na Mabilis’ inilunsad

Upang lalong mapaigting ang pagbibigay ng serbisyo sa mga residente ng Maynila, isinulong ng Manila’s Finest sa pamamahala ni Manila Police District (MPD) Dir. Chief Supt. Pedro "Pitbul" Bulaong ang programang "At Ur Serbis, Pulis na Mabilis at Opis na Malinis".

Sinabi ni General Bulaong na layunin ng programang ito na maisaayos ang kalsada laban sa mga ilegal na vendor, pedicab, at ilegal na terminal upang mapabilis ang pagresponde ng pulis sa anumang tawag ng pangangailangan ng publiko.

Naging hamon din kay Bulaong ang paglilinis sa kanyang hanay at pag-alis sa mga obstruction na malapit sa mga police stations ng MPD.

Magugunita na noong nakaraang buwan ay hinirang bilang awardee ang Malate Police Station 9 sa pamumuno ni Supt. Marcelino Pedrozo sa pagiging malinis na istasyon at sa mabilis na pagresponde at pagresolba ng anumang krimen. Dahil dito, inaasahan ng heneral na magiging inspirasyon ito sa iba pang istasyon para magtrabaho at mapabuti ang imahe ng kapulisan sa Maynila. (Ellen Fernando)

Show comments