Ayon kay Mr. Cortes, nagsimula ang ground testing sa Caloocan City hanggang sa Malolos, Bulacan at hanggang sa Clark, Pampanga.
Sinabi ni Cortes, layunin nito na madetermina ang kalagayan ng lupang dadaanan ng riles upang matiyak na magiging ligtas ito.
"May isang buwan ng nagsimula ang ground testing ng mga Chinese engineers at pati ang ilang portion ng Phase 2 ng proyekto ay sinimulan na rin ang pagsusuri sa lupa na dadaanan ng riles," pahayag pa ng Northrail president.
Aniya, magiging full-blast ang konstruksyon sa Northrail project sa Oktubre sa sandaling matapos ang relokasyon ng lahat ng apektadong residente na nakatira sa riles.
Siniguro naman ni Vice-President Noli de Castro na maisasaayos nila ang relokasyon ng may 70,000 residente sa katapusan ng buwang ito upang bigyang-daan ang konstruksyon ng Northrail.