100 bagong police stations itatayo ng PNP

May 100 bagong istasyon ng pulisya ang ipinangako ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Arturo Lomibao na kanyang itatayo sa kanyang termino upang maiangat ang kalidad ng PNP sa pagbibigay serbisyo sa publiko pagdating sa peace and order sa buong bansa.

Ayon kay Lomibao, ang pagtatayo ng mga bagong police stations sa mga piling lugar sa bansa ay upang mapalakas pa ang tiwala ng mamamayan at patatagin ang samahan sa pagitan ng hanay ng alagad ng batas at komunidad upang panatilihin ang kaayusan at katahimikan.

Sinabi ni Lomibao na bahagi ito ng kanyang malawakang programa upang pagandahin ang kalagayan at imahe ng pulis sa buong bansa na ngayo’y umaabot na sa 115,000.

Nitong Agosto 16, personal na nagtungo si Lomibao sa Bani, Pangasinan upang pangunahan ang ground-breaking ceremony sa pagtatayo ng bagong police station doon.

Sinabi ni PNP spokesman Chief Supt. Leopoldo Bataoil, may 70 bagong police stations ang kasalukuyang itinatayo sa buong bansa simula nang si Lomibao ay manungkulan bilang bagong PNP chief nitong Marso 14, 2005.

Bukod dito, sinabi ni Bataoil na magtatayo rin ng police stations sa Morong, Rizal bago magtapos ang taon.

Labis naman ang pasasalamat ni Morong Mayor Joseph Buenaventura kay Lomibao sa pag-apruba ng kanyang kahilingang magpatayo ng police station sa Morong na kauna-unahan sa kasaysayan ng nasabing bayan.

Target pang patayuan ng police stations ang mga lugar sa Mindanao at ibang bahagi ng bansa na pinamumugaran ng New People’s Army at iba pang makakaliwa at armadong grupo na naglalayong mabigyan ng proteksyon ang mga residente sa patuloy na paghahasik ng karahasan ng mga ito. (Ellen Fernando)

Show comments