Ayon sa isang mataas na opisyal ng DOJ, si Finance Undersecretary Emmanuel Bonoan ay nakaalitan ng DOJ dahil sa "pressure" mula sa nasabing opisyal.
Partikular umano ang naging pagtatalo sa pagitan ni Bonoan at si Chief State Prosecutor Jovencito Zuño matapos sisihin ng BIR ang DOJ sa mabagal na pag-usad ng tax cases.
Agad namang niresbakan ni Zuño ang BIR at DOF dahil ang dalawang ito umano ang nakakapagpabagal ng kaso sa pamamagitan ng paghahain ng mga mosyon kaya nade-delay ang paggulong.
Nabatid sa source na kamakailan ay nagpulong ang DOJ, DOF at BIR kung saan pinag-usapan ang sinasabing "pressure" mula sa DOF, pero kapuna-puna ang hindi pagdalo ni Bonoan.
Naniniwala ang source na may kinalaman sa pagiging kaalyado ni Bonoan si dating Finance Secretary Cesar Purisima, isa sa miyembro ng Gabinete na tumalikod kay Pangulong Arroyo at kasama sa tinaguriang "Hyatt 10," kaya nahihirapan ito sa pakikipag-ugnayan sa DOJ.
Bukod dito, isang liham ang natanggap ni DOJ Sec. Raul Gonzalez na kumukuwestiyon sa loyalty ni Bonoan upang kumatawan sa mga DOF cases gayung ito ay hinihinalang pakawala ng Hyatt 10. (Grace dela Cruz)