Ito ang reaksyon ng Malacañang sa pahayag kahapon ng isang Michael Angelo Zuce na nasaksihan umano nito nang mamudmod ng salapi sa mga opisyal ng Comelec para masiguro ang panalo ni Pangulong Arroyo noong nakaraang May 2004 elections.
Inakusahan ni Pangulong Arroyo na bayaran ang testigo sa umanoy suhulan sa mga regional directors ng Comelec na ginagamit lamang bilang black propaganda laban sa chief executive at ang ginagamit ay ang mga taong may galit sa kanya at nangangailangan ng pera.
"Marami ang nagtatapon ng black propaganda sa akin, maraming nagsasabi ng ganito at ganyan lalo na yung mga galit, lalo na yong mga nangangailangan ng pera. Madaling ibenta ang kanilang testigo at ang kahirapan ng ating system, ang pulitika ngayon, yong accused kahit na Pangulo ay hindi hinihintay yong tamang korte kung saan puwedeng ipagtanggol ang aking sarili dahilan mayroon naman tayong rules of evidence," wika pa ng Pangulo sa talumpati nito sa paglulunsad ng Philippine National Plan of Action on Infant and Young Child Feeding.
Ginawa ng Pangulo ang reaksyong ito matapos lumabas si Zuce na naglingkod bilang Presidential Staff Officer 4 sa ilalim ng pamumuno ni dating Political Affairs Sec. Joey Rufino at Undersecretary Raymundo Roquero, kung saan ay inakusahang nasaksihan daw nito ang ginawang pamumudmod ng P30,000 na nakalagay sa envelop sa may 27 Comelec officials kasama si dating Comelec Comm. Virgilio Garcillano na naganap noong Enero 2004 sa mismong bahay ng Pangulo sa La Vista village, Quezon City para hingin daw ang tulong ng mga Comelec officials upang masiguro ang panalo ni GMA sa May 2004 elections.
Lumapit si Zuce kay dating BIR Comm. Liwayway Vinsons-Chato dahil sa pangamba sa kanyang buhay at pamilya nito matapos malaman na hinahanap daw siya ni DPWH Sec. Hermogenes Ebdane.
Isiniwalat pa ni Zuce, may limang okasyon umano na nakasama siya sa mga consultation meetings ng mga Comelec officials dahil na rin sa pamangkin daw siya ni Comm. Garcillano at siya ang nagpakilala dito kay Sec. Rufino noong naglilingkod pa lamang itong Comelec region 10 director hanggang sa maitalaga na commissioner noong Enero 2004.
Hindi naman makapaniwala si PLLO Sec. Gabriel Claudio sa testimonya nitong si Zuce habang inihahanda naman ng mga abugado ng Palasyo ang pagsasampa ng kaukulang kaso dahil sa mapanirang statement nito laban sa Pangulo.
Sa panig naman ni Usec, Roquero, dating nasa ilalim ng kanyang tanggapan ito matapos mabuwag ang opisina ni Sec. Rufino subalit palaging late at absent ito hanggang sa biglang mag-resign na lamang ni Zuce.
Wika pa ni Sec. Claudio, tinatanong nga niya ang kanyang sarili kung halimbawang mayroong importanteng meeting sa bahay ng Pangulo sa La Vista ay ano ang ginagawa ng katulad ni Zuce doon.
"The charges are serious, theyre serious as they are incredible, fantastic and almost stupid," wika pa ni Claudio.
Iginiit ni Atty. Chato na nakahandang maging testigo sa Impeachment Court si Zuce habang nais naman ng ilang miyembro ng minority bloc ng Senado na ipatawag ito sa pagpapatuloy ng juetenggate scandal investigation sa linggong ito.
Samantala, inadopt ng mga kongresista na gagamiting rules of impeachment ang ginamit dati ng Kamara sa impeachment proceedings ni dating Pangulong Erap Estrada. (Ulat nina Lilia Tolentino, Edwin Balasa, Malou Rongalerios at Rudy Andal)