Bonoan pinasisibak
Nais ipasibak ng isang grupo si Finance Undersecretary Emmanuel Bonoan bilang isa sa mga nagsusulong ng Expanded Value Added Tax Law dahil sa umanoy katiwalian. Ang di nagpakilalang grupo ay nagpadala rin ng kanilang "open letter" sa Supreme Court, Department of Justice (DOJ) at kay Finance Sec. Gary Teves kung saan sinabi ng naturang grupo na ginagamit lamang umano ni Bonoan ang programa ng Department of Finance na Run After Tax Evaders (RATE) upang umanoy makapangikil mula sa sinumang opisyal ng Bureau of Internal Revenue at Customs. Bunga nitoy nagpahayag ng pagdududa ang di-nagpakilalang grupo sa kredibilidad ni Bonoan na mapamunuan ang programa ng DOF at ang pagrerepresenta nito sa mga pagdinig hinggil sa E-VAT. Gayunman, pinilit kunin ang pahayag ni Bonoan ngunit hindi ito pumasok sa kanyang tanggapan tulad ng sinabi ng secretary nitong si Bebot Alvarez. (Ulat ni Grace dela Cruz)