Sinabi ni Echiverri na hindi nararapat magtaas ng kanilang pasahe ang pedicab at tricycle dahil wala itong awtorisasyon mula sa pamahalaang lungsod.
Ayon sa alkalde, hindi tamang samantalahin ng mga driver ang kaguluhang nagaganap at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. Sinabi nito na alam niyang patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina subalit kailangan din isaalang-alang ang kapakanan ng mga sumasakay dahil hindi naman tumataas ang suweldo ng mga ito.
Aniya, masyadong marami ang hirap na pinapasan ng mga mamamayan at hindi ito nararapat patungan pa ng pagsasamantala.
Ipinaliwanag ng alkalde na kung nais ng mga drivers at operators na magtaas ng pasahe ay nararapat na makipag-ugnayan sila sa Tricycle and Pedicab Regulatory Services sa city hall. (Ulat ni Rose Tamayo)