Doble itutumba ng ISAFP kaya bumaligtad

Lumantad kahapon ang umano’y isa sa mga "babae" ni T/Sgt. Vidal Doble at isiniwalat na hindi totoong kinidnap at pinigil ng kampo ni ex-NBI deputy director Samuel Ong si Doble, kundi tumakas ang huli sa San Carlos Seminary dahil plano itong itumba ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Sa panayam kahapon kay Marieta Santos, 24, sa isang restaurant sa Greenhills San Juan, sinabi nito na lumabas siya upang isiwalat sa media na nanganganib ang buhay ni Doble at maging ang pamilya nito dahil na rin sa galit ng mga kasamahan nitong agent matapos ang ginawang "pagbebenta" umano ni Doble sa GMA-Garci tape.

"Kaya ako lumabas ay para ipaalam na mayroong usapan na itutumba siya (Doble) ng ISAFP dahil sa pagbebenta niya ng kontrobersyal na Gloriagate CD sa halagang P2 milyon," pahayag ni Santos.

Sinabi din ni Santos na kasama niya na naka-detain sa ISAFP compound si Doble subalit nakakuha siya ng paraan upang makatakas at humingi siya ng tulong kay San Juan Mayor JV Ejercito na siya namang gumawa ng paraan upang isiwalat sa media ang kanyang nalalaman.

Tinangka pa umanong pigilan ni Doble si Santos na lumantad dahil ayaw daw siya nitong madamay sa kaguluhan subalit hindi niya ito sinunod.

"Pinigilan niya ako magsalita, pero alam kong tama yung ginagawa ko. Hindi ako natatakot, buhay na ang pinag-uusapan dito," ani Santos.

Kinumpirma pa ni Santos na nakuha ni Atty. Ong ang "mother of all tapes" mula kay Doble ng walang pamimilit dahil boluntaryo itong ibinigay.

Matatandaang inamin ni Doble habang nasa kainitan ng Gloriagate issue na siya ang nag-wiretapped sa usapan ni GMA at Comelec commissioner Virgilio Garcillano.

Noong Sabado pa nakalabas ng ISAFP si Santos at hawak ito ngayon ni Atty. Liwayway Vinzons Chato, isa sa mga abogado ni Ong. (Ulat nina Edwin Balasa/Ellen Fernando/Joy Cantos)

Show comments