Kasama sa mga nagsabwatan sa pagwasak sa Pangulo ay sina dating BIR Commissioner Guillermo Parayno at dating Customs Commissioner Bert Lina.
Nagpahayag ng kagalakan ang Malacañang dahil hindi nagpahikayat sa naturang "triumvirate" si Vice Pres. Noli de Castro na kumpirmadong kinausap ng naturang grupo para himuking sumama sa kanila.
Ang orihinal na balak umano ay patalsikin ang Pangulo at ipapalit sa kanya si de Castro. Isa pa sa sinasabing paninira sa Pangulo ay ang paghahain ng tax cases ng BIR laban sa mga kilalang celebrities tulad nina Richard Gomez at Judy Ann Santos para ang mga legions of fans ng mga ito ay magalit sa Pangulo.
Nauna rito, sinabi ni Rep. Prospero Pichay na ang mga nagsipagbitiw na miyembro ng Gabinete ay hindi puwedeng ituring na makabayan kundi "economic saboteurs."
Inakusahan pa ni Pichay si Lina na sangkot sa maanomalyang P100 milyong kontrata para sa kapakinabangan ng negosyo nito kasama si Parayno.
Handa naman si Pichay na harapin si Lina sa naging pasaring ng huli na panggigipit upang tanggapin ang mga "alipores" ng mambabatas sa Customs.
Dahil dito, hinamon ni Pichay si Lina na ipaliwanag sa publiko kung paano niya ito pinuwersa upang maipasok sa trabaho ang mga inirekomenda nito.
Hinamon naman ni Lina si Pichay na maglabasan na lang sila ng dokumento upang patunayan kung sino sa kanila ang nagsasabi ng totoo.