Sa 16-pahinang counter-affidavit with counter charge na isinumite ni Santos, kasama ang kanyang abogado na si Atty. Bonifacio Alentajan sa tanggapan ni State Prosecutor Olivia Lorrevillas, kinasuhan nito si Parayno at mga examiners ng BIR na sina Roderick Abad; Stimson Cureg; Vilma Caronan; Rhodora delos Reyes at Teodora Purino ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act dahil sa pagkakamali umano ng mga ito sa pagkukuwenta ng ibinabayad nitong buwis noong taong 2002 na naging dahilan upang siya ay masampahan ng kasong tax evasion.
Iginiit ni Santos na napakalaki ng ginawang pagkakamali ng BIR dahil sumobra pa ng P1,095,403.11 ang ibinabayad niyang buwis sa gobyerno kung saan hindi na ito ibinalik ng BIR sa nasabing aktres.
Ipinaliwanag pa rin ng aktres na hindi man lamang siya napadalhan ng notice of assessment ng BIR upang siya ay abisuhan na mayroon siyang tax liability.
Magugunita na sa isinumiteng reklamo ng BIR laban kay Santos, tanging P8M lamang ang idineklara nitong kinita noong 2002 kumpara sa kabuuang P14M na taxable income nito.
Kung kayat lumalabas na P1.7M ang kabuuan ng tax liability nito mula sa P6M na hindi idineklara ng aktres. (Ulat ni Grace dela Cruz)