Sinabi ni Caloocan Bishop Deogracias Iñiquez na inaasahan niyang tatalakayin ang panawagan sa pagbibitiw ni Pangulong Arroyo sa kanilang assembly ngayong Hulyo 4-8.
Matatandaan na nanawagan sina Iñiquez, Novaliches Bishop Antonio Tobias at Bishop Emeritus Libayen ng pagbibitiw ng Pangulo dahil sa pagkawala na umano ng moral at legal na awtoridad nito na mamuno sa bansa matapos na aminin na nakipag-usap siya sa isang opisyal ng Comelec sa kasagsagan ng halalan noong May 2004.
Idinagdag pa ni Manila Archbishop Gaudencio Rosales na sa kabila ng pag-amin, nararapat pa ring panindigan ng Pangulo ang kanyang naging aksiyon at managot dito dahil hindi sapat ang paghingi nito ng sorry.
Sinabi naman si Cebu Archbishop Ricardo Vidal na nasa ilalim ng "State of Prayer" ang buong archdiocese ng lalawigan at idineklara ang Hulyo 8 bilang "Day of Fasting".
Sinabi nito ang pangangailangan sa panawagang manalangin dahil sa walang makitang konkretong solusyon sa krisis na kinakaharap ng bansa ukol sa umanoy pandaraya ni Pangulong Arroyo.
Ito rin ang pinanawagan ni Archbishop Rosales at dating Pangulong Corazon Aquino na tumanggi sa anumang uri ng bayolenteng paraan para mapalitan ang pamahalaan dahil labag ito sa Konstitusyon. (Danilo Garcia)