Sinabi ni Fr. Rufino Seskol, secretary ng Manila Archdiocese na isang state burial ang igagawad kay Sin kung saan uumpisahan ito sa isang interment ceremony dakong alas-9 ng umaga sa loob ng Manila Cathedral.
Matapos ito, ilalabas ang mga labi ni Sin at isasakay sa isang karwahe kung saan ililibot ito sa mga kalsada ng Intramuros at Plaza Roma upang masilayan ng publiko sa huling pagkakataon ang dating lider ng Simbahang Katoliko sa bansa.
Titiklupin naman ang watawat ng bansa na nakapatung sa ataul ni Sin at ibibigay kay Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales.
Muling ipapasok ito sa Cathedral at isasagawa ang huling misa. Dito na ipapasok ang labi ni Sin sa loob ng Manila Cathedral Crypt kung saan ihihimlay na ito kasama ang tatlong naunang nagsilbing Archbishop ng Pilipinas.
Kahapon, nagsagawa na ng isang rehearsal ang mga pari sa paghahatid kay Sin sa huling hantungan dakong ala-una ng madaling-araw.
Tiniyak ng Western Police District ang seguridad sa libing ni Sin. Nakaalerto ang daan-daang pulis para maiwasan ang anumang uri ng kaguluhan.
Bumuo na ng re-routing plan si Manila Traffic Bureau chief Sr. Supt. Cesar Javier upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko kabilang ang pagpapatupad ng one-way lanes, pagbabawal sa mga pampublikong jeep at sidewalk vendors. (DGarcia)