Ang ikalawang libel case ay ibabase sa inihayag ni Cam sa programang Pipol ng Channel 21 o ANC news channel kung saan inihayag nito na nagtangka siyang suhulan ng mga taong malalapit kay Mikey at Negros Occidental Rep. Ignacio "Jose Pidal" Arroyo na iatras ang testimonya sa Senado.
"After we review the tape and get an exact transcription of her new false and malicious imputations against Congressman Arroyo, we will be filing a fresh count of criminal libel against Mr. Cam," pahayag ni Atty. Grace Maduramente.
Sinabi ng abogado ni Mikey na pawang kasinungalingan at malisyoso ang mga inihayag ni Cam laban kay Mikey at Jose Pidal.
Samantala, sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert "Ace" Barbers na kalahating buwang suweldo lamang ang makukuha ni Mikey ngayong buwan mula sa regular na sahod nitong P33,000 matapos maghain ng indefinite leave bilang kinatawan ng Pampanga.
Babawasan na rin ang P250,000 buwanang allowance nito pero ipagpapatuloy ang pagpapasuweldo sa kanyang mga staff.
Posible rin aniyang magtalaga si House Speaker Jose de Venecia ng caretaker sa distrito ni Mikey habang naka-leave ito katulad nang ginawa noon sa distrito ng namayapang si Quezon City Rep. Reynaldo Calalay na pansamantalang hinalilian ni Quezon City Rep. Nanette Castelo-Daza. (Ulat ni Malou Rongalerios)