Mike A. idinawit na

Idinawit na ng lumutang na testigo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa jueteng scam ang pangalan ni First Gentleman Mike Arroyo.

Bukod kay Atty. Mike, muling idiniin din ng testigong si Richard Garcia si Pampanga Rep. Mikey Arroyo pero nabigo nitong maidawit si Pangulong Arroyo sa jueteng payola.

Humarap si Garcia, 2nd witness ni Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz, sa pagpapatuloy kahapon ng pagdinig ng senate committee on public order and illegal drugs ni Sen. Manuel Villar Jr. at games, amusement and sports ni Sen. Lito Lapid, hinggil sa jueteng controversy.

Idinetalye ni Garcia, isang self-confessed jueteng facilitator na dating miyembro din ng Philippine Constabulary (PC), sa komite ang kanyang kaalaman sa pagiging bagman sa Bicol region hinggil sa jueteng operations pati ang kaalaman nito hinggil sa sugal na masiao, pick 2 at iba pa sa Mindanao.

Idinagdag pa nito, kaya umano siya lumutang ay dahil hindi na niya masikmura ang ginagawa ng mga gobernador at alkalde hinggil sa pagtrato ng mga ito sa police officials lalo na kapag hindi pumapayag sa jueteng operations.

Aniya, isang provincial director sa Camarines Sur ang ipinatanggal ng gobernador matapos ipahinto ang jueteng operations dito kung saan ay ginamit pa umano ang isang Atty. Arroyo ng Palasyo para tawagan ang regional director ng pulisya.

Wika nito sa komite, siya ang direktang nakikipag-ugnayan kay Col. Pierre Bucsit noong panahon ni Gen. Rodolfo Thor sa region 5 hinggil sa jueteng operations at iba pang pagkakaperahan dito.

Aniya, may blessing ng mga gobernador at local officials ang jueteng operations kapalit ng jueteng payola.

Kabilang sa mga itinuro ni Garcia sina dating Pampanga Vice-Gov. at ngayon ay Rep. Mikey Arroyo alyas Lion King, Camarines Sur Gov. Luis Rey Villafuerte, ang ama nitong si Rep. Luis Villafuerte at iba pang opisyal sa Bicol na nakikinabang sa jueteng operations.

Idinawit din ni Garcia ang pangalan ni dating DOTC Assistant Secretary Rene Maglanque bilang nakikinabang sa jueteng operations. Unang binanggit si Maglanque na jueteng benefactor ng unang testigo na si Wilfredo Mayor. Mariing itinanggi ni Maglanque na nakikinabang siya sa jueteng operations.

Minaliit naman ni Sen. Miriam Defensor-Santiago ang testimonya ng pangalawagang testigo ni Bishop Cruz na si Garcia matapos idawit na nito ang mag-amang Arroyo.

Wika pa ni Sen. Santiago, pawang hearsay pa rin ang mga testimonya ni Garcia kaya ang one hearsay plus 1 hearsay ay equals zero.

Hiniling naman ni Sen. Juan Ponce Enrile na ipatawag ang lahat ng local , police at military officials na idinawit ng panibagong witness sa susunod na pagdinig ng komite sa Huwebes.

Lumutang din ang isa pang testigo na si Abe Riva na sinabing collector siya ni dating Usec. Mario Espinosa para sa jueteng operations pero mariing itinanggi naman ito ni Espinosa sa kanyang press statement matapos mabigong mapaupo sa senate hearing kahapon.

Pag-aaralan naman ng komite ang panukala ni Sen. Alfredo Lim na gawing araw-araw na ang pagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa jueteng. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments