QC judge nakialam sa kaso, kinastigo ng SC

Dahil sa umano’y pakikialam sa trabaho ng isang precinct commander, kinastigo ng Supreme Court (SC) ang isang hukom at pinagmulta pa ito.

Sa 18-pahinang desisyon ng SC, sinabi nito na guilty sa gross misconduct si Judge Fatima G. Asdala ng Quezon City Regional Trial Court Branch 87 matapos na pakialaman umano nito ang isang kasong hawak ng pulisya para sa isang inquest.

Ayon sa SC, sa ilalim ng Canon 2 ng Code of Judicial Conduct, ang isang hukom ay dapat na umiwas sa anumang di karapat-dapat at hindi magandang gawain.

Batay sa rekord ng korte, hiniling umano ni Adala na mai-release ang detainee na si Wilfred Herbst at ito ay maisailalim sa kanyang kostudya at magkaroon na lamang ng pagkakasundo sa dalawang panig.

Nagreklamo ang complainant na si Melencio Manasala III sa Office of the Ombudsman laban kay Asdala dahil sa pang-iimpluwensya nang tawagan nito ang station commander ng Kamuning Police Station upang hilingin na pakawalan si Herbst. Nadiskubre na si Herbst ay kaanak ng pinsan ni Asdala. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments