Si Augusto "Gus" Abelgas ng ABS-CBN channel ay personal na lumapit sa PNPs Task Force Newsman dala ang package na naglalaman ng isang liham ng pananakot at isang bala ng cal. 38 caliber pistol.
Si Abelgas na host rin ng isang investigative program ng ABS-CBN na pinamagatang "Private I" kung saan ang mga binabanatan dito ay ang mga tiwaling pulis ay kolumnista rin sa pahayagang Pang Masa, kapatid na tabloid ng Pilipino Star Ngayon.
Nag-ugat ang pagbabanta sa buhay ni Abelgas matapos lumabas sa programa nitong "Private I" ang modus-operandi ng isang sindikato sa Angeles, Pampanga na nambibiktima ng mga dayuhan.
Sinasabing ilang mga tiwaling pulis ang nasagasaan sa naturang episode, kung saan isa sa mga galamay nito ang nahuli mismo ng NBI sa isinagawang entrapment operation.
Nakumpirmang sa post office sa Angeles galing ang naturang sulat.
Ang pagbabanta sa buhay ni Abelgas ay kasunod naman ng ambush kay Bulgar columnist Pablo Hernandez noong nakalipas na linggo. Nakaligtas si Hernandez sa insidente.
Sa tala ng PNP, 68 mediamen na ang napatay simula ng manumbalik ang demokrasya sa bansa noong 1986 at pinakamataas sa insidenteng ito ay ang 13 nairekord na pinaslang noong nakalipas na taon. (Ulat ni Joy Cantos)