Nabatid na kinukulit ngayon si Davide ng mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) dahil sa naniniwala sila na ito lamang ang magbibigay ng bagong umaga sa Pilipinas.
Bigo naman sila matapos na tumanggi si Davide at tumutok na lamang sa pagiging environmentalist at magsulat ng sarili niyang mga libro, ayon kay IBP national president Jose Anselmo Cadiz sa testimonial dinner na ibinigay nila para sa Chief Justice.
Ayon kay Cadiz, hindi sila kuntento sa sistema ng kasalukuyang pamahalaan habang higit 50 taon na umano na hindi nagmumula sa Visayas ang nakatuntong sa Malacañang bilang pangulo.
Sinabi naman ni Davide, buhat sa Argao, Cebu na nakatutok muna siya ngayon sa paggawa ng mga libro para sa kalikasan at ang anumang ihahayag niya para sa eleksyon sa 2010 ay masyadong makakasira para sa bansa.
Matatandaan na sumikat si Davide matapos na pamunuan nito ang impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada noong taong 2000. Ito rin ang nanguna sa panunumpa ni dating Bise Presidente Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong pangulo noong Enero 2001.
Idinagdag nito na ang tangi niyang alalahanin ngayon ay ang pagkakaroon ng bansa ng mga bagong huwes na pupuno sa mga bakanteng sala at manatiling marangal ang mga lumang huwes para sa mabilis na pagtakbo ng hustisya. (Danilo Garcia)