PR blitz ni GMA binatikos

Inulan ng batikos ang pagkuha ng Malacañang sa PR firm na Public Relations Society of the Philippines (PRSP) dahil naniniwala ang ilang kongresista na hindi na kayang isalba pa ang masama at ‘bumabahong’ imahe ng administrasyong Arroyo.

Ayon kay Minority Leader Rep. Francis Escudero, walang laban ang PR kung mananatili ang napakasamang sistema sa gobyerno.

Mas mabuti aniyang pagbutihin ni Pangulong Arroyo ang kanyang pamamahala kung gusto nitong mawala ang alingasngas ng destabilisasyon.

Dahil sa pagsadsad ng rating ni Pangulong Arroyo ay nagpasaklolo na ang Palasyo sa isang PR firm upang mapabango ang imahe nito.

"No amount of PR job can improve the image of a government that is inept, insensitive, inefficient and corrupt. I firmly believe that all it takes is for government to do its job and be responsive to the needs of the people, especially the poor, and these rumors and talks of destabilization will go away on its own," ani Escudero.

Maging sina Majority Leader Rep. Prospero Nograles at Rep. Gilbert Remulla ay naniniwala na hindi na kailangan ang pagkakaroon ng PR at dapat gawin lamang ni Arroyo ang tama at talikuran ang anumang mali.

"Labanan ang katiwalian at sugpuin ang kahirapan para makita ng tao na talagang ginagawa ng pamahalaan ang lahat," pahayag ng dalawa.

Sinabi ni Press Sec. at Presidential Spokesman Ignacio Bunye na libre at boluntaryo ang serbisyo ng PRSP. Nagkusa umano ito sa Pangulo na ibigay ang kanilang serbisyo matapos dumalaw sa Palasyo kamakalawa.

Layunin ng nasabing PR firm na mailahad sa publiko ang mga positibong programa at trabaho ng Pangulo sa publiko dahil na rin sa sunud-sunod na pagsadsad ng rating nito sa mga survey kung saan nawawalan na ng kumpiyansa ang publiko sa kanyang liderato.

Kabi-kabila ang pagbatikos sa Pangulo gaya ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo, pagbagsak ng ekonomiya, korapsiyon sa gobyerno at di masugpong jueteng. (Ulat nina Malou Rongalerios at Ellen Fernando)

Show comments