Kinilala ng Department of Health ang nasawing biktima na si Jara Victoria Tapiyan, 2-anyos, residente ng Tanay, Rizal. Patuloy namang inoobserbahan sa Bicol Regional Teaching and Training Hospital ang dalawa pa nitong kapatid at isang pinsan na kinakikitaan ng sintomas ng meningo.
Nabatid sa ulat na nagbakasyon lamang ang pamilya ni Tapiyan sa mga kaanak sa Bulan, Sorsogon kung saan dito ito tinamaan ng naturang sakit. Agad na isinugod sa naturang pagamutan sa Legazpi City ang mga biktima kung saan binawian ng buhay ang biktima.
Binigyan na rin ng antibiotics ang mga nakaratay at mga nakahalubilo ng mga biktima upang hindi na kumalat ang naturang virus. Nakasuot na rin ng protective masks ang mga doktor at nurses na tumitingin sa iba pang nakaratay na biktima.
Samantala, gumagaling na umano ang isa namang anim na buwang gulang na sanggol na tinamaan rin ng hinihinalang meningo sa Alabang, Muntinlupa City.
Ayon sa mga manggagamot ng Research Institute for Tropical Medicine na tumitingin sa sanggol, gumaganda na ang kondisyon nito at lumalakas na.
Kinunan na rin ng sample ng dugo at spinal fluid ang sanggol upang isailalim sa blood culture at iba pang confirmatory tests.
Binigyan na rin ng antibiotics ang biktima at maging ang buong pamilya nito, medical team at iba pang nakasama ng sanggol para maagapan ang pagkalat ng naturang virus. (Ulat ni Danilo Garcia)