2 Pinoy niratrat ng Iraquis

Dalawang overseas Filipino workers (OFWs) ang nalagay sa kritikal na kondisyon matapos na tambangan at pagbabarilin ng mga bandidong Iraqi ang sinasakyang mini-bus habang papasok sa kanilang trabaho sa Baghdad.

Hindi pa tinukoy ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pangalan ng dalawang OFWs na isang babae at isang lalaki at kapwa nagtatrabaho sa isang duty free shop sa Baghdad Airport.

Nais ng DFA na ipabatid muna sa pamilya ng dalawang manggagawa ang pangyayari bago nila ihayag ang mga pangalan sa publiko.

Sinabi ng Embahada ng Pilipinas na ang dalawa ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa isang pagamutan sa Baghdad.

Sa report na ipinadala sa DFA ni Philippine Ambassador to Iraq Ricardo Endaya, malapit na ang mga biktima sa nasabing paliparan nang bigla na lamang silang paulanan ng punglo nang nag-aabang na mga rebeldeng Iraqi sakay ng tatlong kotse.

Nabatid din na may kabuuang 4,000 Pinoy ang nagtatrabaho ngayon sa Iraq na karamihan ay nasa US military camp.

Nauna rito, naging sunud-sunod ang pamamaslang at pagkidnap sa mga Pinoy workers sanhi ng pag-pull out kamakailan ng pamahalaan sa Pinoy troops sa Iraq.

Dahil dito, nananatili pa rin ang pagbabawal sa mga OFWs na magtungo sa Iraq subalit nagbigay naman ng go-signal ang DFA para sa repatriation ng mga manggagawang Pinoy na nasa nasabing bansa na nagnanais na bumalik sa Pilipinas dahil sa patuloy na karahasan doon. (Ulat ni Mer Layson)

Show comments