Sa isinumiteng compliance ni Legarda sa Supreme Court (SC), sinabi nito na nagkaroon nang matinding dayaan at iregularidad sa mga probinsiya ng Cebu, Pampanga at Maguindanao kung saan lumabas na ang mga botong para sa kanya ay napunta kay de Castro.
Nagkaroon din umano ng pagkakamali sa election returns sa mga lalawigan ng Lanao del Norte at Lanao del Sur.
Malaki ang paniniwala ni Legarda na makakakuha pa siya ng botong 300,000-400,000 sa mga nasabing lalawigan na tiyak umanong napunta lamang kay de Castro.
Gayunman, hiniling ni Legarda na muling bilangin ang mga balota upang makita ang umanoy ginawang pandaraya ng Arroyo administration.
Magugunita na kinatigan ng PET ang election protest ni Legarda dahil sa pagkakaroon nito ng merito at substance subalit kinontra naman ni de Castro makaraang magsumite ito ng motion na humihiling na ibasura ang poll protest ng dating senadora dahil sa kawalan umano ng ebidensya. (Ulat ni Grace Amargo-dela Cruz)