Ayon kay Cebu Rep. Nerrisa Corazon Soon-Ruiz, dapat magsagawa ng pag-aaral ang House Committee on millennium Development Goals kung paano maipapatupad nang mahusay ang Philippine Aids Prevention and control Act of 1998 o RA 8054.
Sinabi ng WHO na hindi malaganap ang pagkalat ng AIDS sa Pilipinas dahil malaking bilang ng mga kalalakihang Pilipino ay tule. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit naiiwasang mahawahan sila ng AIDS kung nakikipagtalik sa AIDS carrier.
Ang iba pang dahilan kung bakit hindi gaanong malala ang AIDS sa bansa ay dahil sa culture of sexual conservatism.
Maliit na bilang ng mga foreign tourists na pumapasok sa bansa na maaaring AIDS carriers at ang low level of intravenous drug use.
Ayon kay Soon-Ruiz, hindi dapat na ilagay sa low and slow ang sitwasyon ng AIDS sa bansa kundi dapat itong ituring na hidden and growing.
Base sa ulat ng Department of Health, umabot na sa 2,176 ang kaso ng HIV sa bansa habang tinatayang aabot sa 69% o 1,505 ang nasa kategoryang asymtomatic at 31% o 671 kaso ang AIDS carrier.
Umabot na sa 262 ang namatay sa naturang sakit.
Sinabi ng mambabatas na ang kakulangan sa impormasyon, pagtaas ng bilang ng local and international migration at prostitusyon ang ilan sa mga risk factors na sanhi nang pagkalat ng sakit.
Ang pagsasabatas aniya ng RA 8054 ay isa sa mga mahahalagang hakbang na ginawa ng pamahalaan upang mapagtuunan ng pansin ang AIDS. (Ulat ni Malou Rongalerios)