Iyon ay dahil sa kumpiyansa pa sa ngayon ang Chief Executive na mananaig ang pagiging makabayan at paiiralin ng mga mambabatas ang kanilang sinumpaang tungkulin sa taumbayan kayat walang mintis na maipapasa ang VAT bill sa pagtatapos ng special session ngayong araw na ito.
Kung hindi naman aniya umiral ang statesmanship at civic duty ng mga mambabatas ay hindi naman siya magsasawang muling magpatawag ng special session bago pa ikunsidera ang itinatago niyang "plan B".
"I will just keep calling special sessions until its passed," ani Pangulong Arroyo.
Bukod dito, wala rin siyang plano na muling pulungin ang liderato ng Senado upang ipaliwanag ang kahalagahan ng VAT bill.
Sinabi nito na tiwala siya sa nangyaring debatehan ng mga senador sa isyung ito na tumutukoy sa pagkukuhanan ng P80 bilyong pondo para ipantapat sa lumolobong budget deficit sa bansa at sa iba pang programa ng gobyerno gaya ng pangkalusugan at edukasyon.
"So, Im confident in their wisdom and their patriotism," anito.
Samantala, ayaw namang mag-isip pa ng Pangulo sa kung ano ang kanyang maaaring ipalit sa VAT bill kung hindi ito maipasa ng mga mambabatas sa isinasagawang special session ng Kongreso. (Ulat ni Lilia Tolentino)