Kinilala ang mga nasawing lider na sina Alhamzer Manatad Limbong alias Kumander Kosova; Ghalib Andang alias Kumander Robot; Nadzmine Saabdullah alias Kumander Global at ang nagsilbing negosyador ng mga nag-amok na presong Abu Sayyaf na si Abdul Ganit Husim alias Ka Lando. Isa namang miyembro ng K-9 Unit na kinilalang si PO1 Abel Arriola ang kabilang sa mga nasawi at isang Edcel Piga, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang na nakapatay ng pulis sa Quezon City.
Ang mga nabanggit na ASG leader ang namuno ng ginawang pag-aamok ng may 100 pang ASG inmates na kumontrol sa Bicutan Jail na nagresulta ng pagkasawi ng tatlong jailguards at dalawang bandido matapos na magkaputukan sa bigong jailbreak.
Ang ibang sugatan ay nakilalang sina Insp. Jose Montiquillo, SPO3 Napoleon Cabrera, kapwa nakatalaga sa RSAU; PO2s Zaldy Cawilie at Noel Celetre, kapwa sa SAF na tinamaan ng shrapnel.
Sinabi ni PNP Chief P/Dep. Dir. Arturo Lomibao na inaalam pa ang pagkakakilanlan ng iba pang nasawing inmates matapos ang isang oras at 55 minutong ground assault na pinamunuan ni Chief Supt. Marcelino Franco, SAF chief.
Ayon kay PNP Spokesman P/Sr. Supt. Leopoldo Bataoil, napilitan ang mga awtoridad na pasukin ang 4-storey ng Metro Manila Rehabilitation Center ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nabatid naman kay NCRPO chief Dep. Dir. Gen. Avelino Razon na ang assault ay isinagawa dakong alas-9:15 ng umaga matapos ang mahigit isang araw na stand-off sa jail na nasa ilalim ng pamamahala ng BJMP.
Sinabi ni Razon na nabawi ang kontrol sa pasilidad ng bilangguan pasado alas-10 ng umaga matapos na gumamit ng tear gas ang assault team.
Kaugnay nito, pinasisiyasat ni Razon ang impormasyon na mayroong armory sa loob ng jail na naitayo ng mga ASG habang nakapiit ang mga ito.
Aniya, nakapagtataka ang pakikipagpalitan ng putok ng ASG inmates sa awtoridad sanhi ng pagkasawi ng tatlong jailguards.
Samantala, sinibak kahapon ni Interior and Local Government Sec. Angelo Reyes ang jailwarden na si Supt. Romeo Elisan; Chief Supt. Jaime Aquino; JO3 Allan Sta. Cruz, JO1 Recarte Laxamana at Homer Omega dahil sa naganap na stand-off.
Sinibak na rin kagabi ni Reyes si BJMP Director Arturo Alit habang nagpahayag ng kahandaan sa anumang imbestigasyon si BJMP NCR-Director Sr. Supt. Armando Llamares upang malaman kung may kapabayaan sa kanilang hanay. (Ulat nina Joy Cantos,Lordeth Bonilla at Doris Franche)