Pumayag ang dalawang lider ng kapulungan na magkaroon ng "peace talks" kagabi sa EDSA Shangri-la sa Mandaluyong City.
Ang nasabing pag-uusap ay inorganisa ni Nationalist Peoples Coalition Rep. Arnulfo Fuentebella (Camarines Sur), na naging Speaker noong 11th Congress.
Sinabi ni Fuentebella na dapat nang matigil ang bangayan ng mga mambabatas dahil nakakasira ito sa Kongreso bilang institusyon.
"We cannot go on like this. The word war doesnt do well for Congress and for the country. Everybody is the loser here," ani Fuentebella.
Ayon kay Fuentebella, mayroon naman siyang karapatan na magsimula ng meeting ng lider ng dalawang Kapulungan dahil dati naman siyang Speaker at senior leader ng Kamara.
Maliban pa sa isinagawang meeting ay ang nakatakdang pag-uusap nina Speaker Jose de Venecia Jr., at Senate President Franklin Drilon ngayong linggo.
Magugunitang nagsimula ang patutsadahan ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan ng Kongreso ng biglang ipasa ng Senado ang 2005 national budget nang hindi idinadaan sa bicameral conference committee.
Inakusahan ng mga senador ang mga mambabatas na nagbabalak magdagdag sa kanilang pork barrel pero ibinalik naman ng mga kongresista ang akusasyon sa mga senador. (Ulat ni Malou Rongalerios)