Ito ang inihayag kahapon ni Sen. Pimentel sa lingguhang Kapihan sa Sulo kaugnay sa nakabinbin na electoral protest ni FPJ sa PET.
Sinabi ni Pimentel, wala naman puwedeng magtuloy ng protesta ni FPJ sa PET dahil hindi naman pinapayagan ang substitution sakaling mamatay ang naghain ng electoral protest.
"Ito ang personal kong paniniwala kasi personal ang pag-file ng protesta at walang iba na puwedeng magsampa ng protesta kundi ang kandidato lamang (FPJ) at siya lang ang may karapatan na maging presidente kapag napatunayan na nagkaroon ng dayaan," wika pa ni Pimentel.
Aniya, hindi naman apektado ang inihaing electoral protest ni dating Sen. Loren Legarda laban kay Vice-President Noli de Castro sa PET dahil hiwalay na protesta naman ang inihain nito.
Ipinagpaliban ng PET ang inisyal na pagdinig sa electoral protest ni FPJ na dapat ay ginanap noong Disyembre 13 subalit itinakda na lamang sa Enero 2005.
Inamin naman ng Korte Suprema na uupo bilang PET na ito ang kauna-unahang kaso na namatay ang naghain ng protesta sa isang presidential election.
Samantala, hiniling din ni Pimentel kay Pangulong Arroyo na huwag ng bigyan ng re-appointment paper si Comelec Commissioner Virgilio Garcillano dahil sa naging atraso nito sa yumaong si FPJ.
Sinabi ng senador, hindi karapat-dapat sa puwesto si Garcillano matapos katigan nito ang diskwalipikasyon ni Mr. Poe sa usapin ng citizenship bukod sa pagkakasangkot nito sa electoral fraud ng maupo bilang regional director sa Mindanao. (Ulat ni Rudy Andal)