Sa ulat na nakarating kay Reyes, 5 porsiyento ng kabuuang kita ng jueteng ang tinatanggap ng kapulisan at maging ang ilang local officials ng lalawigan kapalit ng proteksiyon. Aniya, hindi dapat na nakikihati ang mga pulis sa jueteng payola dahil tungkulin ng mga ito na itigil ang operasyon nito.
Nauna rito, nanawagan si Isabela Governor Grace Padaca sa kanyang mga nasasakupang alkalde na makipagtulungan upang tuluyan nang masugpo ang ilegal na sugal sa kanilang probinsiya. Hindi umano nararapat na mamayani ang jueteng sa Isabela dahil ito ang nagiging mitsa ng pag-aaway-away ng mga pulis at opisyal ng pamahalaan.
Itoy makaraang mapaulat ang pagpasok ng dalawang jueteng lord mula sa Batangas at Pampanga na kinilalang sina Melchor Calauag at Jun Marasigan na naghati sa distrito ng Isabela. (Ulat ni Doris Franche)