Ayon kay dating Rep. Didagen Delanggalen, si Estrada ay abala ngayon sa kanyang bagong bokasyon sa 16-ektarya niyang lupain sa Tanay na kasalukuyan niyang detention.
Ang pagtatanim ng gulay at prutas ang siyang kontribusyon ng dating Pangulo sa ilulunsad ngayong araw na "Rebolusyon Kontra sa Gutom" na pangungunahan ni Senadora Loi Ejercito Estrada, Sen. Jinggoy Estrada at iba pang lider ng Partido ng Masang Pilipino (PMP)na kinabibilangan nina Sen. Juan Ponce Enrile, Jamby Madrigal at dating Agrarian Reform Sec. Horacio "Boy" Morales sa Club Filipino.
Ang kampanya kontra gutom ang tugon ng PMP sa resulta ng SWS survey na nagsasabing 15.5% ng pamilyang Pilipino ang walang makain dahil sa kahirapan.
Ang PMP ay magsasagawa ng mga seminar at lecture na tatampukan ng mga eksperto sa agrikultura sa Taiwan na siyang naatasang magsanay sa mga PMP technician na tutulong sa mga miyembro ng PMP at mahihirap na pamilya. (Ulat ni Lilia Tolentino)