Sinabi ni Sen. Cayetano na hindi malayong mangyari ang lagim na naganap sa Chernobyl, Russia at Bhopal, India nang kapwa mag-leak ang mga planta ng kemikal dito na pumuksa sa maraming buhay.
Lumilitaw na hindi pa puwedeng mag-operate ang LMG Chemicals dahil na rin sa pinakahuling resulta ng emission test na isinagawa ni Amado Santos ng Multipartite Monitoring Team (MMT).
Lumilitaw na umaabot sa 2,126 sulfuric acid parts per million (ppm) ang emission na nagmumula sa LMG Chemical habang ang allowable limit lamang ay 768ppm.
Ang sulfuric acid ang siyang uri ng kemikal na sumingaw noong isang buwan na naging dahilan ng pagkakalason ng may 36 kabataang estudyante sa dalawang public school sa Pasig City.
Nabatid na magkatuwang ngayon ang grupo ni Sen. Cayetano at Sen. Biazon sa pagsasagawa sa imbestigasyon sa ipinasarang LMG Chemical.
Maging ang mga residente na malapit sa kinaroroonan ng planta ay patuloy na nangangamba sa kanilang kalusugan at kaligtasan kapag pinahintulutan muli ng Dept of Environment and Natural Resources (DENR) na makapag-operate ang LMG Chemical.
Anila, ayaw na nilang maulit ang trahedyang naganap noong nakalipas na Agosto 2001 kung saan sumingaw ang planta na naging dahilan ng pagkamatay ng isang Ana Cahindi matapos na makalanghap ng sulfuric acid.
Naulit pa ang insidenteng ito noong nakalipas na Set. 10, 2004 na nagresulta ng pagkakasugod sa Pasig City General Hospital ng 26 na estudyante ng San Joaquin Elementary School. (Mer Layson)