Sa complaint affidavit ni Garcia, tahasang inakusahan nito si Rep. Suplico na tumiba umano ng P175,000,000 sa pamamagitan ng panggigipit sa Kimberly Clark Phils. Inc. (KCPI) upang mapilitan ang naturang kumpanya na bilhin ang lupa sa San Pedro, Laguna na pag-aari ng pamilya ng asawa ni Suplico.
Ang kaso ay nag-ugat sa isang House resolution noong Marso 9, 2004 matapos magpatawag ng isang congressional inquiry si Suplico laban sa Kimberly Clark dahil sa umanoy paglabag sa environmental laws.
Sinabi ni Garcia na inihain ang resolusyon matapos aprubahan ng National Water Resources Board (NWRB) ang aplikasyon ng Kimberly Clark para sa permit ng industrial water service.
Ipinaliwanag ni Garcia ang umanoy modus-operandi ng ilang tiwaling kongresista na sa "unay gigisahin ka kunwari sa congressional investigation pagkatapos ay babalasahin ka nila sa media bago dadalhin nila ang asunto sa hukuman para tuluyan kang bumigay sa kanilang raket."
Ayon kay Garcia, pinaimbestigahan ni Suplico sa Kongreso ang Kimberly upang i-pressure at i-harass lamang upang bilhin ang lupang kinatatayuan ng planta ng KCPI sa Laguna sa halagang P175 milyon na masyado anyang mataas.
Sinabi ni Garcia na katungkulan niya bilang isang pribadong mamamayan at isang public servant na isumbong sa Ombudsman ang mga anomalya sa pamahalaan.
Iginiit naman ni Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ni Garcia na may karapatan ang kanyang kliyente na magsampa ng kaso laban kay Suplico matapos nitong magpakalat ng smear campaign laban sa naturang hepe.
Ipinakalat ni Suplico ang umanoy unliquidated cash advances at pagkawala ng mamahaling pantings sa pamamahala ni Garcia.
Sinabi ni Elamparo na nakatakda pa silang magsampa ng kaso laban sa iba pang kongresista dahil sa malisyosong pag-aakusa laban kay Garcia.
Sa isang press conference, itinanggi ni Suplico na may kinalaman siya sa nasabing bilihan ng lupa. (Ulat Nina Malou Rongalerios At Doris Franche)