Sa isinagawang budget presentation ni Secretary Emilia Boncodin sa Senate committee on finance na pinamumunuan ni Sen. Manuel Villar, pinuna ni Sen. Santiago na milyon-milyon ang pagkalugi ng Napocor gayong ang laki ng suweldo ng mga namumuno sa naturang ahensiya.
"Ang suwerte naman nila. Dapat sa Napocor na yan pasabugin na lang," sambit ni Santiago.
Sinabi pa ng senadora na dapat bigyan ng kuryente ang mga namumuno dito sa pamamagitan naman ng silya elektrika.
Inirekomenda rin ni Santiago kay Sen. Villar na huwag aprubahan ang budget para sa Napocor at iba pang inutil na Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Aniya, illegal din umano ang ginagawang pag-ako ng pamahalaan sa utang ng GOCCs tulad ng Napocor dahil isinasaad sa Konstitusyon na maaari lamang magbayad ng utang ang gobyerno kung itoy aprubado ng Kongreso.
Sa kaso ng Napocor, tinatayang P600 bilyong utang ng state-power firm ang pinaplano na ilipat sa national government nang walang congressional approval.
Isinulong din ng senadora ang debt audit sa GOCCs upang malaman kung magkano talaga ang outstanding debt ng mga ito.
Iginiit pa ni Santiago kay Boncodin na dapat rebisahin ang mga panuntunan ng mga GOCCs para matukoy ang mga pagkakamali nito. (Ulat ni Rudy Andal)