Inimbitahan ng Pangulo ang may 200 mga GOCC officials sa isang "Russian Dinner" sa Palasyo kamakalawa ng gabi kasama ang ilang miyembro ng Gabinete para katukin ang kanilang isipan na totohanan ang inilunsad niyang austerity program.
Ayon sa Pangulo, walang puwang sa gobyerno ang mga naghahangad ng fat salary.
Kinonsensiya ni Pangulong Arroyo ang matataas na opisyal at miyembro ng board of directors ng mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng pamahalaan na tumatanggap ng malalaking suweldo at matatabang allowance para ipaalala na may krisis sa pananalapi.
Ang menu sa ipinatawag na "Russian dinner" ay kinabibilangan ng adobong manok, chopsuey, kanin at saging bilang pamutat na nakalagay sa plastic na microwaveable.
Para makumpleto ang hakbanging pagtitipid, plastic na kutsara at tinidor ang ipinagamit sa mga opisyal ng GOCC.
Bago ginanap ang dinner, inihayag ni Cabinet Secretary Ricardo Saludo noong Lunes na kukumbidahin ng Pangulo ang mga opisyal ng GOCCs sa Palasyo pero kailangang ihanda nila ang sarili sa simpleng pagkain na nakasilid sa styrofoam.
Pero isang opisyal na dumalo rin sa Russian dinner ang nagsabi na hindi naman pumayag ang Presidente na ilagay ang pagkain sa styrofoam kundi sa lalagyang plastic na microwaveable. (Ulat ni Lilia Tolentino)