Sinabi ni Justice acting Secretary Merceditas Gutierrez na gagawin ng prosecution ang lahat ng legal na hakbang upang mabatid kung mayroon pang posibilidad na mabuksan ang nasabing kaso at kung anu-anong mga teknikalidad ang maaaring maharap.
Kasabay nito, hiniling ni Public Attorneys Office (PAO) chief, Atty. Persida Acosta na tiyakin ng mga jailguards ng Bureau of Corrections (Bucor) ang seguridad ng akusadong si dating Master Sgt. Pablo Martinez dahil makailang ulit nang tinangka itong patahimikin.
Nagsumite na rin ng pahayag ang 14 pang akusado na kumukumpirma sa ibinunyag ni Martinez na silay pawang mga inosente.
Sa pormal na testimonya ni Martinez, 67, partikular na inakusahan nitong sangkot sa Aquino-Galman double murder case sina General Romeo Gatan, Herminio Gosueco at Rolando Galman. Tanging si Gosueco na lamang ang nabubuhay sa tatlo.
Batay sa affidavit ni Martinez, isang buwan bago bumalik ng bansa si Ninoy, tinawagan siya ng kanyang superior na si dating Aviation Security Command (Avsecom) deputy commander Col. Romeo Ochoco at sinabing darating na si Aquino kaya mamumundok na sila.
Tinanong ni Martinez kung bakit sila mamumundok at tinugon umano siya ni Ochoco na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos na si Ninoy ang sumunod na maging pangulo ng bansa pero ayaw ng mga nakapaligid sa punong ehekutibo.
Gayunman, idinagdag umano ni Ochoco na hindi matutuloy ang kanilang pamumundok sa sandaling mapatahimik si Ninoy.
Base pa rin sa affidavit, sinundo si Martinez sa kanyang bahay ng driver ni Ochoco na si Tsgt. Franklin Maniego noong hapon ng Agosto 19, 1983 at dinala siya sa Carlston Hotel kung saan naabutan sina Ochoco, Gen. Gatan, Gosueco at Galman.
Sa naturang pulong, sinabi umano ni Ochoco kay Martinez na si Galman ang kanyang makakasama sa oras ng pagdating ni Ninoy.
Una nang sinabi ni Martinez na hindi si Marcos ang utak sa pagpatay kundi ilang personalidad na malapit kay dating Pangulong Cory Aquino.
Gayunman, tumangging pangalanan nito ang itinuturong utak sa krimen sa pagsasabing isisiwalat lamang niya ito sa pormal na imbestigasyon sa kaso.
Nakaladkad din ang pangalan ni dating Ambassador Danding Cojuangco na bahagi sa pagpaplano sa krimen. (Ulat ni Grace dela Cruz)