^

Bansa

DOJ pumorma na sa 'Ninoy'

-
Kumilos na ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa posibleng pagbubukas ng double murder case ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino at Rolando Galman kung saan apat na piskal ang agad itinalaga upang siyang magsagawa ng masusing pag-aaral .

Sinabi ni Justice acting Secretary Merceditas Gutierrez na gagawin ng prosecution ang lahat ng legal na hakbang upang mabatid kung mayroon pang posibilidad na mabuksan ang nasabing kaso at kung anu-anong mga teknikalidad ang maaaring maharap.

Kasabay nito, hiniling ni Public Attorney’s Office (PAO) chief, Atty. Persida Acosta na tiyakin ng mga jailguards ng Bureau of Corrections (Bucor) ang seguridad ng akusadong si dating Master Sgt. Pablo Martinez dahil makailang ulit nang tinangka itong patahimikin.

Nagsumite na rin ng pahayag ang 14 pang akusado na kumukumpirma sa ibinunyag ni Martinez na sila’y pawang mga inosente.

Sa pormal na testimonya ni Martinez, 67, partikular na inakusahan nitong sangkot sa Aquino-Galman double murder case sina General Romeo Gatan, Herminio Gosueco at Rolando Galman. Tanging si Gosueco na lamang ang nabubuhay sa tatlo.

Batay sa affidavit ni Martinez, isang buwan bago bumalik ng bansa si Ninoy, tinawagan siya ng kanyang superior na si dating Aviation Security Command (Avsecom) deputy commander Col. Romeo Ochoco at sinabing darating na si Aquino kaya mamumundok na sila.

Tinanong ni Martinez kung bakit sila mamumundok at tinugon umano siya ni Ochoco na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos na si Ninoy ang sumunod na maging pangulo ng bansa pero ayaw ng mga nakapaligid sa punong ehekutibo.

Gayunman, idinagdag umano ni Ochoco na hindi matutuloy ang kanilang pamumundok sa sandaling mapatahimik si Ninoy.

Base pa rin sa affidavit, sinundo si Martinez sa kanyang bahay ng driver ni Ochoco na si Tsgt. Franklin Maniego noong hapon ng Agosto 19, 1983 at dinala siya sa Carlston Hotel kung saan naabutan sina Ochoco, Gen. Gatan, Gosueco at Galman.

Sa naturang pulong, sinabi umano ni Ochoco kay Martinez na si Galman ang kanyang makakasama sa oras ng pagdating ni Ninoy.

Una nang sinabi ni Martinez na hindi si Marcos ang utak sa pagpatay kundi ilang personalidad na malapit kay dating Pangulong Cory Aquino.

Gayunman, tumangging pangalanan nito ang itinuturong utak sa krimen sa pagsasabing isisiwalat lamang niya ito sa pormal na imbestigasyon sa kaso.

Nakaladkad din ang pangalan ni dating Ambassador Danding Cojuangco na bahagi sa pagpaplano sa krimen. (Ulat ni Grace dela Cruz)

AMBASSADOR DANDING COJUANGCO

AQUINO

AVIATION SECURITY COMMAND

BUREAU OF CORRECTIONS

CARLSTON HOTEL

DEPARTMENT OF JUSTICE

MARTINEZ

NINOY

OCHOCO

ROLANDO GALMAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with