Bagong testigo,ebidensiya sa Nida Blanca murder

Muling isasampa ng Department of Justice (DOJ) ang extradition request laban kay Rod Strunk, asawa ng pinaslang na aktres na si Nida Blanca, dahil sa mga bagong testigo at ebidensiyang nakalap ng prosekusyon na magtuturo sa una na utak sa pagpatay sa huli.

Ayon kay Justice acting Secretary Merceditas Gutierrez, nakapagsagawa na sila ng pagpupulong kasama ang mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa preparasyon ng nasabing ebidensiya.

Gayunman, hindi naman kinumpirma ni Gutierrez kung mayroong mga personalidad ang kasama sa sinasabing bagong ebidensiya ng prosecution.

Una ng ibinasura ni US Sacramento District Judge Gregory Hallows ang extradition request ng DOJ upang mapabalik si Strunk sa bansa dahil mahina ang ebidensiyang iniharap ng prosecution para idiin ito sa kaso.

Gayunman, tiniyak naman ni Gutierrez na nasa US pa rin si Strunk at maaaring pabalikin sa bansa anumang oras kapag napatunayang ito ang responsable sa pagpaslang sa beteranang aktres. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments