Ang aksiyon ay ginawa ng Pangulo dahil sa seryoso nang insidente ng pamamaslang sa mga miyembro ng media na ang pinakahuling biktima ay si Edward Balida ng RMN-Bukidnon na sa kabutihang palad ay nakaligtas sa balang tumama sa kanyang kamay.
Ikinalugod ng Pangulo ang alok ni Speaker Jose de Venecia na itaas sa P2 milyon ang gantimpala para sa mga impormanteng makapagbibigay ng tip sa ikadarakip ng mga may kinalaman sa serye ng pagpatay sa mga journalists.
"Nakikisimpatiya ako sa media community sa serye ng walang habas na pamamaslang na ngayon ay sisiyasatin na at bubusisiin nang husto ng mga awtoridad," anang Pangulo.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang direktiba sa PNP at NBI na alaming mabuti sa pagsisiyasat kung ano ang ugat ng pamamaslang sa mga mamamahayag at kung paano sila mabibigyan ng proteksiyon.
"If there are any threats to press freedom, they must be stopped," anang Presidente.
Kahapon ay sumugod sa Camp Crame ang tinayang 100 mediamen mula sa ibat ibang pahayagan, radyo at telebisyon para iprotesta ang anilay mabagal na paglutas sa sunud-sunod na pagpatay sa mediamen.(Ulat ni Lilia Tolentino)