Hindi napigilang maiyak ni Arlene Aguirre, 32, ina ng kambal na sina Carl at Clarence dahil sa sobrang kaligayahan matapos na maisakatuparan ang pinakadelikado at sensitibong operasyon sa Montefiore Childrens Hospital.
Nabatid kay Dr. David Staffenberg, lead pediatric craniofacial (plastic) surgeon, ang maliit na veins na pinagsasaluhan ng mga bata ang naging mahirap para sa 16-kataong surgical team na nagtulung-tulong sa operasyon. Bukod sa utak, pinaghiwalay din ang kanilang anit at skull bone.
Ayon kay Staffenberg, bagaman matagumpay na napaghiwalay ang ulo ng kambal ay kailangan pa rin silang isailalim sa micro-surgery dahil sa delikadong sitwasyon gaya ng pamamaga ng utak at impeksiyon.
Upang muling mabuo ang skull o ulo ng kambal, isang major procedure ang tuluy-tuloy na isasagawa ng mga doktor kasama na ang iba pang minor reconstructive procedures.
Tiwala naman ang mga doktor na positibo ang resulta ng operasyon.
Ang kambal ay mag-iisang taon na sa naturang ospital matapos dalhin sa New York noong Setyembre 10, 2003. (Ulat ni Ellen Fernando)