Ito ang inihayag kahapon nin AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya matapos iharap ng mga opisyal ng militar kay Defense Secretary at National Anti-Terrorism Task Force (AATF) Chief Eduardo Ermita ang dalawang nahuling miyembro ng JI.
Sinabi ni Abaya na ang suspek na si Mamasao Naga alyas Zainal Paks ay umaming siyang nagtanim ng bomba sa sumabog na tren ng LRT sa Blumentritt station sa Maynila habang si Abdul Pata alyas Mohamad Amir ang siya namang responsable sa itinanim na bomba sa Edsan bus sa Cubao, Quezon City noong Rizal Day, Disyembre 30, 2000.
Ang dalawa ay nabitag ng pinagsanib na elemento ng Army Intelligence at 7th Marine Battalion Landing Team sa isinagawang operasyon sa Marawi City noong nakalipas na Lunes. Kabilang sa narekober sa mga suspek ay mga dokumento hinggil sa ugnayan ng JI sa Pilipinas.
Nabatid kay Army Chief Lt. Gen. Efren Abu, ang dalawa ay kapwa nagtrabaho sa napaslang na si Indonesian terrorist Fathur Rohman Al-Ghozi, utak sa LRT bombing at sa nasakoteng si Muklis Yunos.
Si Al-Ghozi na tumakas noong Hulyo 14, 2003 sa detention cell ng PNP-Intelligence Group sa Camp Crame kasama ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group ay napatay sa engkuwentro noong Oktubre 12, 2003 sa Pigcawayan, North Cotabato habang si Yunos ay nadakip naman sa General Santos City noong nakalipas na buwan ng Mayo.
Tumanggi naman ang mga opisyal na tukuyin kung dayuhang terorista o lokal na kasapi ng JI ang tatlo pang pinaghahanap na kasapi ng teroristang grupo sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)