'Killers' ni Ninoy hiling palayain

Hiniling sa Korte Suprema ng mga umano’y "killers" ni dating Senador Benigno Aquino Jr., na payagan na silang makalaya dahil napagsilbihan na nila ang maximum sentence na 10 taon.

Sa liham na ipinadala ng mga akusado kay SC Chief Justice Hilario Davide Jr., sa pamumuno ng dating sundalo na sina Arnulfo Artates at Romeo Bautista, umapela ang mga ito sa SC na ipawalang-sala na sila sa kasong pagpatay kina Aquino at Rolando Galman noong August 21, 1983 sa tarmac ng Manila International Airport, na ngayon ay Ninoy Aquino International Airport, dahil maging sa Sandiganbayan ay acquitted na sila.

Binigyang-diin nila sa Mataas na Hukuman na alinsunod sa Memorandum Order No.19-2004 na ipinalabas ng SC noong April 2, 2004, may posibilidad na mapalaya ang mga bilanggo na nakapagsilbi na ng minimum sentence.

Ayon naman kay Bureau of Corrections (Bucor) Director Dionisio Santiago, may 23-taon nang nakakulong ang mga dating sundalo at maituturing na ito’y lampas pa sa minimum sentenced na ipinataw sa kanilang parusa.

Magugunita na pinatawan ng double life sentence ang mga nabanggit na akusado kung saan ang minimum requirement lamang nito ay 10 taong pagkakakulong.

Matatandaan na noong September 12, 1986, inatasan ng SC ang muling pagdinig sa kaso ng Aquino-Galman na binalewala naman ng Sandiganbayan sa desisyon nito na nagpapalaya sa mga akusadong sina Gen. Fabian Ver at Luther Custodio. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments