Base sa hatol, nagkasala sa pangmomolestiya sa biktima na itinago sa pangalang Mena, tubong Cotabato ang mga akusadong sina Mohammed Abdullah, Mohammad Falah at Abdul Latif Jobar, pawang miyembro ng Kuwait Police sa loob mismo ng police station. Ginawaran ng Kuwait court ng 15-taong pagkabilanggo si Abdullah habang sina Falah at Johar ay 10-taong pagkabilanggo.
Sa mga ginawang pagdinig, pinabulaanan ng tatlong Kuwaiti police ang isinampang kasong rape ng Pinay subalit mas pinaniwalaan ng korte ang mga iniharap na ebidensiya ng legal counsel ng biktima kabilang na ang resulta ng forensic test nito na nagpapatotoo ng panghahalay.
Sinabi ni John Monterona, vice chairman ng Migrante International na base sa kanilang rekord, naganap ang panghahalay kay Mena noong Oktubre, 2003. Siyam na buwan bago lumabas ang hatol ay nagtungo si Mena sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait makaraang tumakas sa kanyang employer dahil sa di matiis na pagmamaltrato dito.
Nagsampa ng kasong physical maltreatment si Mena laban sa kanyang employer subalit gumanti ang employer at sinampahan din ang Pinay DH ng kasong breach of contract. Dahil dito, ibinalik ng mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas si Mena sa police station bunga ng isinampang kaso ng employer nito subalit habang nasa istasyon ng pulisya at nakulong ay pinagpasa-pasahan itong gahasain ng tatlong bantay na pulis-Kuwaiti.
Sinisi ng Migrante sina Phil. Ambassador to Kuwait Bayani Mangibin, labor attache Angelo Jimenez at Welfare officer Luz Talento dahil imbes kupkupin ito ay lalong nasadlak sa masamang karanasan.
Nakatakdang kasuhan ng kriminal ng Migrante at kaanak ng biktima ang mga nabanggit na opisyal dahil sa kapabayaan.
Kaugnay nito, natuklasan ng Migrante na sodomy lang ang naisampang kaso laban sa tatlong pulis kaya ganun kababa ang hatol sa mga ito. Dahil dito, umapela ang Migrante at hiniling sa Department of Foreign Affairs na maghain ng diplomatic protest upang maisampa ang kasong rape. (Ulat ni Ellen Fernando)