Kung ang pagbabasehan ay ang tala ng Dept of Labor and Employment (DOLE) kaugnay ng patuloy na lumalagong bilang ng mga unemployed ay hindi edukasyon ang puhunan para sa magandang buhay dahil lumilitaw na karamihan sa mga edukadong Pinoy ngayon ay kasama sa bilang ng mga walang trabaho.
Mula sa 3.8 milyon na mga Filipino na walang trabaho ay 27.6 porsyento dito ay pawang tapos ng high school, habang mahigit sa 30 porsyento naman nito ay binubuo ng mga pinagsamang college undergraduates at graduates.
Maging sa isinagawang pag-aaral ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na may titulong "A Research on Issues Affecting Young Filipino Workers" ay nagpapakita na ang mga college graduates ang nakapagtala ng pinakamataas na unemployment rate na nasa 26.2 porsyento at ito ay nasa pagitan ng 15-anyos hanggang 24-anyos.
Nakakabahala ayon sa DOLE ang pagkakaroon ng mataas na porsyento ng mga walang trabaho na pawang edukado dahil nagbibigay ito ng negatibong pagtanggap para sa mga magulang na kapos sa edukasyon upang huwag na ring papag-aralin pa ang kanilang mga anak.
Sa iba pang tala ay makikita na 8.4 porsyento lamang ng kabuuang 3.8 milyong unemployed ang hindi nakatapos ng elementarya habang nasa 8.3 naman ang hindi nakatapos ng high school na wala ring trabaho. Lumilitaw na mas mataas pa ang porsyento na makapagtrabaho ang isang walang gaanong pinag-aralan kung ihamambing sa may mga diploma sa high school at kolehiyo. (Ulat ni Andi Garcia)