Lumalabas sa behavioral risk factor survey ng DOH na sa 323 katao na gumagamit ng sigarilyo ay galing sa transport group sector.
Bukod dito, kabilang pa sa mga may mataas na prevalence rate ng paninigarilyo ang mga manggagawa, mangingisda, magsasaka at mga pulis.
Sumailalim sa nasabing pag-aaral ang may 10,240 respondents na may edad 15 pataas mula sa ibat ibang occupational class.
Ang nasabing pag-aaral ay bunsod sa pagdiriwang ng World Tobacco Day ngayong buwan ng Hunyo kasabay ng pagbubunyag ng WHO sa pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit ng Green Tobacco Sickness sa mga taong nagtatrabaho sa tobacco farm.
Ibinunyag pa ng DOH na sa sandaling pumasok na ang nikotina sa balat ng tao dahil sa kontak sa dahon ng tobacco ay makakaranas na ito ng pagsusuka, panghihina, pagkahilo, pananakit ng tiyan at iregularidad sa blood pressure at tibok ng puso.
Kaugnay nito, nanawagan ang DOH sa ibat ibang sektor ng lipunan na iwasan na ang paninigarilyo dahil wala naman itong naidudulot kundi ang panganib sa buhay.
Bukod sa mga sakit na dulot nito, naaapektuhan pa ang kanilang estadong pamumuhay dahil ang pagbili ng sigarilyo ay nakakadagdag sa maraming gastusin.
Ayon sa DOH, ang mga taong nakakaranas ng mahirap na pamumuhay ang siya pang nalululong sa paninigarilyo.
Nakipag-ugnayan naman ang DOH sa Philippine Sports Commission na huwag tanggapin ang anumang tobacco advertisement sa gaganaping 2005 Southeast Asian Games. (Ulat ni Gemma Amargo)