Ayon kay LTFRB chairman Len Bautista, hindi dapat na sumabay sa inaprubahang P1.50 dagdag sa singil sa pasahe ng mga pampasaherong jeep, ang mga driver at operators ng FX taxi dahil wala naman silang aplikasyon para sa fare increase kaya wala silang karapatan na magtaas.
Ang P1.50 dagdag-pasahe ay ipatutupad sa Hunyo 9.
Samantala, nilinaw din ni Bautista na maging ang mga ordinaryong provincial buses at taxi ay hindi rin maaaring magtaas ng singil sa pasahe dahilan sa nakatakda pa lamang dinggin ng LTFRB ang kanilang petisyon sa Hunyo 8.
Gayundin, maging ang petisyon aniya ng Integrated Metro Manila Bus Operators Association (IMBOA) para sa dagdag na singil sa pasahe ay nakabinbin pa rin.
Ayon kay IMBOA president Claire dela Fuente, humiling sila sa LTFRB ng karagdagang P9 singill sa pasahe.
Nagpakalat na ng mga tauhan ang LTFRB para tiyaking magiging maayos ang implementasyon ng dagdag sa singil sa pasahe ng mga pampasaherong jeepney sa Hunyo 9.
Nakatakda ring magpulong ang pamunuan ng LTFRB, Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Office (LTO) para sa maayos na implementayon ng bagong fare hike.
Pinayuhan din ni Bautista ang mga driver ng mga jeep na ipaskil ang kanilang mga orihinal na kopya ng bagong fare matrix sa ipinapasada nilang jeep upang hindi magdulot ng kalituhan sa mga pasahero. (Ulat ni Anna Sanchez)