Ang pahayag ng KNP ay kasunod ng alegasyon ng administrasyon na ang mga talunan sa eleksiyon ay "desperado" na at handang maghasik ng kaguluhan o destabilisasyon. Nagbabala pa ang Malacañang sa publiko na huwag pagamit na instrumento sa mga "talunan at desperado" na balak isulong ang "no proclamation scenario."
Kinondena rin ng KNP ang ginawang pagbuwag sa vigil rally ng mga FPJ supporters sa Commonwealth Avenue malapit sa Batasang Pambansa kaugnay ng pagsisimula ng canvassing ng mga balota.
"Tinatakot nila ang taumbayan para huwag magprotesta kahit may pandaraya sa bilangan," ani Rep. Francis Escudero na nagsabing ang pangyayariy isang "plain and simple political harrassment."
Mahigpit ding pinabulaanan ni Escudero ang paratang ng pamahalaan na ang oposisyon ay nasa likod ng planong destabilization laban sa administrasyong Arroyo. "Gawa-gawa lang nila iyan para busalan ang katotohanan na si FPJ ang nanalo sa eleksyon," ani Escudero sa isang panayam.
Iginigiit ng KNP na batay sa sarili nilang pagbibilang, si Poe ay lumamang sa Pangulo ng may 600,000 boto taliwas sa sinasabi ng administrasyon na si Mrs. Arroyo ang lamang.
Ayon naman kay Makati City Mayor Jojo Binay, ang paratang na destabilisasyon ay katha ng Malacañang upang palabasing manggugulo ang oposisyon. Idinagdag ni Binay na kung walang nangyaring pangungupit ng boto, milyun-milyon ang magiging kalamangan ni Poe kay Mrs. Arroyo.
Pinabulaanan naman ng Palasyo ang paratang na "political harrassment" sa pagkakabuwag ng vigil rally dahil pati umano ang mga grupong sumusuporta kay Arroyo ay pinaalis ng mga awtoridad dahil walang permiso. (Ulat nina Malou Rongalerios at Rudy Andal)