Matinding tinutulan ni Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen, isa sa mga tumakbong senador sa ilalim ng KNP ni FPJ, ang nasabing resolusyon na ipinasa sa pamamagitan ng all party caucus kung saan dumalo ang mga kinatawan ng majority at minority groups ng Kamara.
Ayon kay Dilangalen, hindi dumaan sa tamang proseso ang resolusyon na dapat muna aniyang tinalakay sa House committee on rules at pinagbotohan sa plenaryo. Nangyayari lamang aniya ang mabilisang pagtalakay at pagpasa sa isang resolusyon kung mayroong kalamidad o maituturing aniyang kalamidad ang nagdaang eleksiyon kaya naipasa agad ang pinagtalunang resolusyon.
Si Makati Rep. Agapito "Butz" Aquino, isa sa supporters ni Sen. Panfilo Lacson, ang kumatawan sa minority at lumagda sa resolusyon kaya agad itong naipasa. Hinihinala ng ilan na ginantihan ng kampo ni Lacson ang kampo ni FPJ kaya hindi nakiisa ang una sa plano na maantala ang bilangan ng National Board of Canvassers.
Magugunitang nagpahayag ang kampo ni Lacson na hindi sila makikiisa sa anumang plano na patagalin ang pagsisimula ng bilangan.
Ngayong araw na ito sa ganap na alas-2 ng hapon ay sisimulan na ang pagbibilang ng certificate of canvass (COC) na da-dalhin sa Kamara bukas ng umaga. (Ulat ni Malou Rongalerios)