Ayon kay Atty. Romeo Igot, abogado ng Isang Bansa, Isang Diwa, nanalo ng walang numero si Gil dahil hindi anila sila binigyan ng pagkakataon na iboto ang kanilang idolo.
Sinabi ni Igot na hindi sa bilangan ng boto nila ibinase ang pagkapanalo ni Gil dahil wala na siya sa listahan ng mga presidentiables kundi ang umanoy 13.7 milyong supporters ni Gil.
Ayon naman kay Gil, sorpresa ang prokla-masyon dahil abala na siya sa kanyang showbiz career.
Umaasa si Gil na kakatigan ng Korte Suprema ang kanyang inihaing petisyon na humihiling ng failure of election sa nagdaang May 10 elections.
Samantala, tinawanan naman ng Malacañang ang ginawang deklarasyon ni Gil na siya ang nagwagi sa idinaos na presidential election.
Sa kanyang press briefing kahapon, sinabi ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye na nagmistulang isang komedya ang ginawa ni Gil nang magdaos siya ng news conference sa Club Filipino kahapon para ideklarang siya raw ang nanalo sa halalan.
Gayunman, sinabi ni Bunye na ang komedyang ginawa ni Gil ay nakapagpabawas ng umiinit na tensiyon sa isyu ng kung sino talaga ang nanalo kasunod ng pag-aangkin ng panalo ng tatlong mga kandidato kasama na si Gil. (Ulat nina Ellen Fernando/Lilia Tolentino)